Add parallel Print Page Options

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:

“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
    sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
    nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
2 Tunay(A) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
    sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang aking tagapagligtas.
3 Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”

4 Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
    ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
    ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
5 Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
    ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
6 Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
    sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”