Add parallel Print Page Options

Ang Pangako ng Hari

Isang Awit na katha ni David.

101 Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan;
    ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
2 ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan,
    kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
3     sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.
Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,
    di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
4 Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;
    maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
5 Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;
    di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.

6 Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
    sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.

7 Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,
    sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
8 Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;
    lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin!