Add parallel Print Page Options

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!