Add parallel Print Page Options

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
    Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti.

2 Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
    na hinahanap ang Diyos.

3 Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala kahit isa.

4 Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
    na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Panginoon?

5 Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
    sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
6 Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
    ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
7 Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
    Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
    magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.