Add parallel Print Page Options

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8     binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!