Add parallel Print Page Options

Panalangin ng Saklolo

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.

4 Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
    Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
    Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.

2 O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
    Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)

3 Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
    ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.

4 Magalit(A) ka, subalit huwag kang magkakasala;
    magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
5 Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
    at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
6 Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
    O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
7 Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
    kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.

8 Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
    sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.