Add parallel Print Page Options

Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[a]

58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
    Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
    pawang karahasa't gawaing di tama.

3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
    mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
    katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
    di niya dinirinig, hindi pansin ito.

6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
    alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
    sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
    batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
    itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
    bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.

10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
    pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
    tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”

Footnotes

  1. Mga Awit 58:1 MIKTAM: Tingnan ang Awit 16.