Add parallel Print Page Options

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
3 sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

4 Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
5 Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

6 Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
7 Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

8 Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.