Add parallel Print Page Options

Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
    ang maraming pulo ay matuwa nawa!
2 Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
    ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
3 Apoy ang nasa unahan niya,
    at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
4 Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
    nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
    at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
    na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
    lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
8 Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
    at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
    dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
    ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.

10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
    ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
    kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
    at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
    at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.