Add parallel Print Page Options

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!